Ang luha ng kaligayahan ng isang ina nang isilang niya ang kaniyang anak na babae, napalitan ng pangamba nang biglang lumuha ng dugo ang bata.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nitong nakaraang Oktubre nang isilang ni Jeofannie ang kaniyang anak na babae sa Tupi, South Cotabato.
Pero pagsapit nitong Nobyembre, napansin ni Jeofannie na may pulang likido na lumabas sa mga bata ng kaniyang anak nang umiyak ito nang malakas.
Ayon sa duktor na kanilang tinanong, may impeksiyon lang ang bata at binigyan sila ng cream na pamahid sa mata ng sanggol.
Gayunman, nagpatuloy pa rin ang pagdurugo ng mga mata ng sanggol tuwing iiyak ito nang malakas.
Inabutan pa nga ng "KMJS" team ang sanggol na natutulog. Pero ilang saglit lang, umiyak na ito nang malakas at dumaloy na luhang dugo.
Ang ibang residente, inaakala na may milagrong nangyayari sa bata.
Naiisip din ni Jeofannie na baka may kinalaman ang madalas niyang pag-iyak noon habang ipinagbubuntis ang kaniyang baby nang malaman niyang may ibang babae pang nabuntis ang kaniyang kinakasama.
"Ang ikinakatakot ko po baka bigla siyang mabulag, biglang may sugat yung mata niya," sabi ni Jeofannie.
"Gusto ko ako na lang yung may ganung sakit kaysa sa kaniya. Kasi sobrang hirap na nakikita siyang ganun," ayon pa sa ina.
Sinamahan ng "KMJS" team si Jeofannie para mapatingnan ang sanggol sa espesyalista. Ano nga bang kondisyon mayroon ang sanggol na dahilan ng pag-iyak niya ng luha? Alamin 'yan sa video ng "KMJS." Panoorin.
--FRJ, GMA News