Inabutan ng mga recuer na patiwarik na napalambitin ang isang 82-anyos na lola sa 18th floor ng isang gusali sa Jiangsu, China. Ang lola, nahulog mula sa kanilang balkonahe habang nagsasampay sa 19th floor.
Sa isang video, na mapapanood sa GMA News Feed, makikitang tanging sa sampayan lang ng mga damit sumabit ang mga paa ng lola habang tulong-tulong ang mga rescuer sa pagsagip sa kaniya.
Kinabitan ng safety rope ng mga rescuer ang lola para hindi siya tuluyang mahulog mula sa pagitan ng 17th at 18th floor.
Matapos nito, dahan-dahang hinila ang matanda sa isang bintana sa 18th floor habang itinutulak din siya pataas ng mga nakaalalay na rescuers na nasa 17th floor.
Ilang saglit ang lumipas, nakuha rin mula sa pagkakalambitin ang matanda, na dahan-dahang hinila papasok sa isang palapag na may nakaabang na ilang rescuer.
Ligtas ang matanda at wala naman siyang tinamong injury.
Ayon sa ulat, nagsasampay ng bedding sa balkonahe sa 19th floor ang lola nang mangyari ang insidente.
Aksidente siyang nahulog at mabuti na lamang ay sumabit ang kaniyang mga paa sa sampayan kaya hindi siya tuluyang nahulog sa ibaba.
Naging mabilis din ang pagresponde ng mga rescuer kaya nakaligtas ang lola. --FRJ, GMA News