Naniniwala ang ilang paranormal researcher na nagiging portal ng mga kaluluwa at kakaibang nilalang ang mga salamin. Ganito kaya ang nangyari sa isang TikTok video na may batang nahuli-cam na naglakad sa loob umano ng isang lumang salamin?

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabing Setyembre 2020 nang maisipan ng dalagang si Sandy na mag-video habang nagsasayaw na ilalagay niya sa TikTok sa Sto Tomas, Davao del Norte.

Sa video, makikita na hagip sa camera ang isang lumang aparador na may salamin. Kinabukasan matapos niyang gawin ang video, pinanood ni Sandy ang kaniyang ginawa.

Doon na napansin ni Sandy ang kakaibang nakuhanan ng camera na may batang naglakad sa loob mismo ng salamin na hindi niya kilala at hindi nila kasama sa bahay.

Ayon sa ama ni Sandy na si Mang Ric, 1960s nang mabili ng kaniyang ina ang aparador na gawa sa narra na may salamin.

Noon pa man, may kakaiba na raw nangyayari sa kanilang bahay tungkol sa batang babae na nagpaparamdam sa pamilya.

Minsan na rin daw na nakita ang naturang multo na likod ng sasakyan na tila gustong sumama sa kanila.

May pagkakataon na tumatabi raw ito sa kanila sa pagtulog na may madidinig silang mga yabag.

Nagsagawa ang Davao Paranormal Society ng imbestigasyon sa bahay gamit ang isang uri ng camera na kaya umanong ma-detect kung may kakaibang nilalang na mahahagip nito.

Tunghayan ang nakakakilabot na episode at alamin kung sino ang hinala ni Mang Ric na posibleng bata na nagpapakita sa salamin. Panoorin ang video.

--FRJ, GMA News