Viral sa Tiktok ang isang lalaki dahil sa pagmumukbang o nilalantakan ang mga hilaw na karne, isda at iba pang pagkain na kaniyang ibini-video. Pero ligtas ba itong gawin?
Sa "Raw Meat Eater" na istorya ni Darlene Cay sa programang "Brigada," sinabing may mahigit 90,000 views na sa Tiktok ang video ni Ramsey Yoldi sa pagkain niya ng hilaw na baboy, at pag-inom pa ng dugo nito.
Mahilig raw talaga si Ramsey sa karne, at pinakapaborito niya ang kinilaw. Pero madalas na mga hilaw ang kinakain niyang karne.
"Maraming galit ma'am, sobra. Tamad daw akong magluto, kadiri. Okay lang sa akin ma'am," sabi ni Ramsey tungkol sa mga nagkokomento sa kaniya.
Maliban sa karne ng baboy, kumakain din ng hilaw na isda at susô si Ramsey. Bago kainin, isinasawsaw muna niya sa suka ang hilaw na karne.
"Mas masarap pa rin sa akin ma'am ang hilaw na pagkain. Mas malakas, sa totoo lang, 'yung katawan ko kapag kumain ako ng mga kinilaw, mga hilaw," paliwanag ni Ramsey.
Tinitiyak naman niyang nilinis niyang mabuti ang karne bago niya kainin.
"Nakasanayan ko na kasi, kahit noong nasa probinsya ako, mga 10 years na siguro akong ginagawa na nagkikilaw, pero wala naman sa akin na sakit," kuwento ng lalaki.
Ngunit nagbabala ang isang eksperto na hindi napapatay ng suka ang lahat ng bacteria o viruses sa karne.
"Puwede po tayong magkaroon ng viruses, bacteria, parasites, kasi siyempre hindi po luto 'yung pagkain. For sure naririnig niyo na po 'yung mga salmonella," sabi ng nutritionist-dietician na si Ashley Dimaano.
"Usually 'yung mga signs and symptoms po nu'n nararanasan 'pag nagkaroon po tayo ng ganu'ng klaseng tapeworms, usually 'yung nagsusuka, nanghihina, loss of appetite, dizziness, pwede rin po talaga siyang mag-cause ng death kung hindi rin agad magagamot," dagdag niya.
--FRJ, GMA News