Hindi lang sa kasaysayan tungkol sa pananakop ng mga Kastila hitik ang Fort San Pedro sa Cebu City, kung hindi maging sa mga kuwento ng kababalaghan tulad ng umano'y "white lady" na naninirahan dito.
Sa ulat ni Allan Domingo sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing binuksan na muli sa publiko kamakailan ang naturang pasyalan, matapos na isara sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Kuwento ni Erwin Dela Serna na namamahala sa lugar, isang bisita sa pasyalan, ang nagbahagi sa kaniya ng larawan na sinasabing nakuhanan ang umano'y white lady.
Sabi ni Dela Serna, sa unang tingin ay hindi mapapansin ang white lady sa larawan maliban na lang kapag naka-zoom ang litrato.
Makikita umano ang imahe ng tila isang babaeng nakaputing kasuotan at nakalugay ang buhok na nakatayo sa veranda ng pasyalan.
Idinagdag pa ni Dela Serna na minsan na rin daw nagpakita ang white lady sa isang banyo, at paborito raw nitong tambayan ang malaking puno ng balete sa Fort San Pedro at sa isang mataas na gusali ng pasyalan.
Ipinaliwanag naman ng professional photographer na si Juan Carlo de Vela, na hindi naman edited ang larawan pero posibleng nailawan lamang ang pigura ng sinasabing "white lady." --FRJ, GMA News