Kung ang iba ay kailangan pang magpa-MRI o CT scan upang malaman ang kanilang karamdaman, ang healing priest sa Albay na si Father Momoy, kaya raw alamin ito sa pamamagitan lang ng pagtingin sa tao.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," natatawang ikinuwento ni Fr. Efren "Momoy" Borromeo, ng Society of Our Lady of Holy Trinity sa Sto. Domingo, Albay, biru-biruan na tawag sa kaniya na "MRI."
Pero sa halip na magnetic resonance imaging o MRI na proseso upang masuri ang sakit ng isang tao, "Momoy Resonance Imaging" naman ang tawag umano sa kaniya.
Sa sandaling nasa healing mode umano siya, nakikita raw ni Fr. Momoy ang organ ng taong maysakit. Gayundin ang tibok ng puso nito, ang uric acid sa mga veins at arteries, at maging ang kidney at iba pa.
Katunayan, dalawang duktor ng medisina ang nagpatotoo sa kakayahan ni Fr. Momoy na makita ang sakit ng isang tao.
Kuwento ni Dr. Eddie Dorotan, nalaman ni Fr. Momoy na mayroon siyang tubo sa puso kahit hindi naman niya sinasabi.
Pero ang higit na kamangha-mangha ay nang sabihin umano ni Fr. Momoy na may anim na bukol sa atay ang kaniyang kapatid.
Kaya naman ipina-CT scan niya ang kaniyang kapatid at doon nakumpirma ang sinasabing anim na bukol nito.
Isa rin sa natulungan ni Fr. Momoy ang duktor na si Jillian Larizabal, na mayroong cancer.
Kahit hindi niya sinasabi ang uri ng cancer at naka-Zoom lang ang paraan ng konsultasyon, natukoy daw agad ng pari kung nasaan ang cancer ng duktora.
Ngayon, isang nang volunteer doctor si Lardizabal kay Fr. Momoy sakaling may mga tanong ang pari tungkol sa medisina.
Ngunit hindi lang daw sakit ang nakikita ni Fr. Momoy, dahil maging ang kaluluwa ay nakakausap din umano niya.
At kabilang sa kaniyang nakausap diumano ay ang nasawing si Navy Ensign Philip Andrew Pestaño noong 1995.
Paano nga ba nagsimula sa isang aksidente ang sinasabing kakayahan ni Fr. Momoy, at ano ang masasabi ng Simbahang Katolika sa pinaniniwalaang kapangyarihan ng healing priest?
Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."
--FRJ, GMA News