Sa isang malinis na ilog sa Barangay Lorenzo sa Balabagan, Lanao del Sur, hindi lang mga babae ang makikitang nagkukuskos-piga ng kanilang mga labahin, kundi pati ang isang grupo ng mga mister. Ang bawat isa kanila, may kaniya-kaniyang kuwento kung bakit nila ito ginagawa.

Si Norbert Bongcayao, kilala raw na "tigasin" sa kanilang lugar. Bukod kasi sa paglalaba, siya rin daw ang tiga-saing, tiga-linis at tiga-hugas ng pinggan sa bahay.

Bukod sa pagiging "tigasin," nagtatrabaho rin siya sa koprahan. At wala siyang reklamo sa mga gawaing bahay dahil kawawa raw ang kaniyang misis kapag hindi niya tinulungan.

Sa paglalaba, masaya raw si Norbert dahil mayroon siyang mga kasamahan labandero na kaniyang nakakakuwentuhan

Pero bago pala siya maging "huwarang" mister, si Norbert, aminadong dating pasaway na asawa na marupok pagdating sa barkada at alak.

Hanggang sa dumating ang araw na natauhan siya at nagbago.

Operator naman ng traktora ang isa pang labandero na si Ramrick Cloyd Puerte, na masaya rin na nakakasabayan ang kaniyang tropa sa paglalaba sa ilog dahil mayroong kasamang kantiyawan.

Pero dahil hindi sapat ang kita niya para sa kanilang pamilya, napilitan ang kaniyang misis na mamasukan sa Maynila.

At kapag nangunguli sa asawa, isinusuot daw niya ang damit ng asawa na kaniyang nilalabhan.

Nakahanap naman ng karamay si Ramrick sa kaibigang si Eduardo Clamor Jr., na hindi rin kasama ang misis na isang guro na nasa Leyte.

Kaya si Eduardo na ang mag-isang nag-aasikaso sa kanilang mga anak .

Kung ang mga babae ay inaabot ng ilang oras sa paglalaba dahil sa tsismisan, ang mga hari ng labada, kung minsan daw ay kasama ang tuba o alak.

Ang ika-apat na labandero king, si Arturo Durano Jr., na iniwan ng misis na nagtrabaho sa abroad.

Aminado si Durano na malaki ang pagkukulang at kasalanan sa kaniyang misis dahil sa kaniyang paglalasing.

Ayon sa asawa ni Durano na si Irene, na-trauma siya kapag nalalasing ang kaniyang dating kinakasama kaya nagpasyang lumayo.

Naging maayos naman daw ang pag-uusap nila para sa kanilang mga anak.

Nagsisisi na si Durano sa kaniyang mga nagawa, at umaasa na mapapatawad siya ni Irene para muling mabuo ang kanilang pamilya.--FRJ, GMA News