Bukod sa maliit nilang jeepney, agaw-pansin ngayon sa Baguio City ang maliit na bahay na tinawag na "Tank House" na may sukat lang na sa 5.5 sq meters.
Pero kahit maliit lang, hindi dapat ismolin ang tiny house dahil kasya rito ang mag-asawang Tonton Tan at Tante Galang, at ang dalawa nilang anak.
Sa ulat ni Trace De Leon sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Huwebes, sinabing may maliit na kusina ang tiny house, maliit na banyo, maliit na sala at nasa loft ang higaan na kasya ang apat katao.
Kahit sa P60,000 na budget, puwede raw gumawa ng tiny house. At kaya raw itong tapusin sa loob ng dalawang linggo depende sa materyales na gagamitin.
Ayon kay Galang, noon una ay inakala niyang hindi uubra na tumira sila sa kanilang "tank house."
"Parang masikip kasi. Initially sabi ko ayoko sa condo cause I know masikip. Pero nung nabuo niya and looking at it, kasi we are a family of four we have two kids, na realized ko puwede naman pala," ayon kay Galang.
--FRJ, GMA News