Sa gitna ng pagluluksa, hindi napigilan ng isang pamilya sa San Fernando, Pampanga ang madismaya sa isang pribadong ospital matapos na maling bangkay umano ng pumanaw na kaanak na ibinigay sa kanila at naipalibing.
Sa ulat ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing dinala ng pamilya Pasion nitong Sabado sa ospital ang 75-anyos na si Lolo Benigno.
Pero pagdating sa ospital, binawian na ng buhay ang matanda at kaagad na ipinalibing matapos na magpositibo umano sa COVID-19.
Ngunit matapos na mailibing, laking gulat daw ng pamilya ng makatanggap sila ng mensahe mula sa pagamutan para ipaalam na maling bangkay ang naibigay sa kanila.
Sinubukan ng GMA Regional TV "Balitang Amianan" na makuha ang panig ng pagamutan pero hindi muna sila nagbigay ng pahayag.
Gayunman, ibinahagi nila ang palitan ng text message sa pamilya Pasion, na makikitang humingi sila ng paumanhin sa nangyari at nangako silang aayusin ang naging problema.
Nagpaabot din ng pakikiramay sa pamilya ang pasyenteng namayapa.
Ayon sa apo ni Benigno, handa silang makipagtulungan sa ospital para makuha ang tunay na labi ng kanilang lolo.
"Willing naman kami na gawin yung gusto nilang hakbang na ibalik namin yung [bangkay] tapos kunin namin yung lolo namin. Ilagay namin doon sa kung saan yung pinaglibingan niya," ayon kay Nico Guinto.-- FRJ, GMA News