Tila nakikiuso sa cashless transaction ang isang traffic enforcer sa Maynila matapos niyang "kotongan" ang isang truck driver ng P2,000 na e-wallet ang bayaran.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing sinita ng enforcer na si Oliver Fernandez, ang truck driver na si Proceso Esteban Gonzales, dahil sa mga traffic violation noong June 28, sa Tondo.

Marami umanong nilabag si Gonzales na pinagbabayad ng P5,000. Pero nagkaroon ng tawaran na bumaba sa P2,000.

Pero dahil walang cash si Gonzales, pinatawagan ni Fernandez ang kaniyang amo para magdeposito na lang sa kaniyang e-wallet.

Ang hindi alam ni Fernandez, ibini-video ni Gonzales ang kaniyang transaksyon na napanood naman ng tanggapan ng mga opisyal ng Manila Traffic and Parking Bureau.

Kinabukasan, June 29, sinibak si Fernandez matapos na aminin ang kasalanan.

"Inamin po ng aming enforcer sa kanyang sector commander na P2,000 ang hiningi niya," ayon kay MTPB Operations Chief Wilson Chan.

"Nag-upgrade na ang pangongotong," dagdag ni Chan patungkol sa naging cashless ng transaksiyon.

Minamanman na umano ng tanggapan si Fernandez dahil sa mga impormasyon ng pangongotong pero hindi lang daw nila natitiyempuhan.

Kaya nang makita ang video, nagkaroon na sila ng patunay para sibakin siya sa trabaho.

Mula 2019, umabot na umano sa 56 na enforcer ang sinibak ng Manila Traffic and Parking Bureau dahil sa pangongotong at pangingikil.— FRJ, GMA News