Nabisto ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang overstaying parcel na naglalaman ng mga wildlife species tulad ng tarantula o malaking gagamba.

Sa pahayag, sinabi ng BOC na 25 tarantula, 12 spiderling, limang alupihan, at dalawang Ornithoctonus black spider, ang nakita na pawang nakalagay sa maliliit na sisidlang plastik.

Idineklarang teaching materials ang mga ito na galing sa Thailand na nasabat sa Philpost Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City.

Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng nasa P500,000.

“In an uncontrolled environment, these species may have direct and indirect effects on human health, especially, the fact that these arthropods bite when threatened by external factors like presence of predators or humans,” ayon sa BOC.

“Other species also administer venom through a bite, producing extreme pain to the unfortunate recipient, and can be fatal to humans,” dagdag sa pahayag.

Walang kumuha sa mga padala kaya sinuri ito ng mga tauhan ng BOC.

Ibibigay sa Department of Environment and Natural Resources, ang mga nasabat na wildlife species.

Patuloy naman ang imbestigasyon kung sino ang may-ari ng bagahe para sampahan ng reklamo sa paglabag sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act and the Customs Modernization and Tariff Act. —FRJ, GMA News