Dahil walang perang pambayad sa legal na serbisyo ang kaniyang kliyente, tinanggap ng isang abogado sa Sorsogon City ang ibinigay nitong mga alimango.
Sa Facebook post na nag-viral, makikita si Atty. Noel Allen Bose sa larawan na hawak ang isang bugkos ng alimango, at nasa kabilang kamay niya ang briefcase.
Kuha ang larawan sa labas ng courtroom.
Ayon kay Bose, sinabi ng kaniyang kliyente na wala siyang perang pambayad sa ginawang pagdalo ng abogado sa pagdinig sa korte.
Nagtanong daw ang kaniyang kliyente kung puwedeng alimango ang kaniyang ibayad at pumayag naman ang abogado.
"Nakakataba ng tiyan ang alimango, (at nakakamanhid ng batok) pero mas nakakataba ng puso ang inyong mga reactions sa post kong ito!," saad ni Bose, na mula pa sa Legazpi, Albay.
"Gusto ko rin sanang pasalamatan lahat ng mga abogado na nagtatrabaho sa gobyerno at pribado. Hindi sila madalas magpost ng kanilang trabaho at mga pagsubok, pero di hamak na masisipag at dedikado sila sa kanilang pangakong tumulong sa kapwa Pilipino," dagdag niya.
—FRJ, GMA News