Para mahikayat ang mga tao na magpaturok ng COVID-19 vaccine, isang bayan sa Thailand ang nagpapa-raffle ng buhay na baka.
Sa ulat ng Reuters, linggo-linggo umano ang gagawing pa-raffle hanggang sa matapos ang 2021.
Simula sa susunod na buwan, isang nagpabakuna sa Mae Chaem district sa lalawigan ng Chiang Mai ang mananalo ng buhay na batang baka na nagkakahalaga ng 10,000 baht o $319.
Naging mainit naman daw ang pagtanggap sa naturang pakulo ng nasa 43,000 residente na tatagal sa loob ng 24 na linggo.
"Our vaccine registration numbers have gone from hundreds to thousands in a couple of days," ayon kay district chief Boonlue Thamtharanurak.
"The villagers love cows. Cows can be sold for cash," dagdag niya.
Ayon kay Boonlue, mahigit 4,000 katao sa priority groups, kabilang ang mga nasa edad 60 pataas at mga may pre-existing conditions (o sakit), ang nagpatala na para mabakuhan at makasama sa raffle.
Sisimulan ng bayan ang pagbabakuna sa June 7, na alinsunod sa national rollout ng kanilang bansa.
Mayroon ding ibang pakulo ang ibang lugar sa Thailand para mahikayat ang mga tao na magpabakuna. Mayroong nagbibigay ng gold necklace, store discount coupons, at maging cash.
Sa 66 milyong populasyon ng Thailand, nasa 1.64 milyon na ang nabigyan ng first dose ng bakuna, at pitong milyon naman ang nakalistang magpapabakuna. —Reuters/FRJ, GMA News