Kinalap ng mga residente ng Barangay Addition Hills ang kanilang mga basurang maaari pang i-recycle para ipampalit ng pagkain na ibinibigay ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City.
Sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo DZBB sa GMA News "Balitanghali" nitong Martes, sinabing dinagsa ang pamamahagi ng pagkain sa Andres Bonifacio Integrated School (ABIS) gym, kung saan dala-dala ng mga residente ang kanilang sako-sakong mga ginupit na plastic sachet.
Sa dami ng mga residenteng pumila, kinulang ang mga upuan kaya umupo na sa bleachers ang iba.
Tinatanggap ng barangay ang limang kilo na basura bilang minimum habang 10 kilo naman ang maximum.
Bago makakuha ng pagkain, titimbangin muna ang dalang basura ng residente saka sila bibigyan ng stub para sa bigas, gulay at noodles.
Naka-schedule ang kalahating parte ng Martinez at Fabella Road nitong Martes habang ang kalahating parte ng Martinez, Nueve de Febrero at Correctional Road ang naka-schedule sa Miyerkoles.
Ang mga nakuhang basura ay ire-recycle at gagawing eco bricks.
Ayon pa sa ulat, matagal na itong ginagawa ng mga taga-Mandaluyong para maalis ang mga basura na bumabara sa kanilang kanal at maiwasan ang pagbaha.--Jamil Santos/FRJ, GMA News