Nabulabog ang isang komunidad sa Cochabamba, Bolivia matapos bumagsak ang isang military plane sa kanilang lugar. Ang dalawang piloto ng eroplano, walang galos na nakaligtas pero hindi ang nakatira sa bahay.

Sa ulat ng GMA News Feed, nakuhanan pa ng video ng mga residente ang pagbagsak ng 2-seater intermediate jet trainer na K-8.

Nagdulot pa ng sunog ang naturang pagbagsak ng eroplano.

Ang dalawang piloto, nagawang makapag-eject bago bumagsak ang eroplano kaya nakaligtas.

Pero ayon sa mga awtoridad, isang babae na nakatira sa bahay ang nasawi.

Nasugatan naman ang kapatid nito at isa pang residente na kapwa dinala sa ospital.

Sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, lumitaw na mayroon daw nadinig na pagsabog sa eroplano bago bumagsak.

Inaalam pa ang sanhi nito.

Noong nakaraang taon, dalawang air force pilot din ang nasawi nang bumagsak ang eroplano na gamit sa kanilang pagsasanay na nangyari din sa Cochabamba.--FRJ, GMA News