Timbog sa Pasay City ang isang lalaki matapos manghalay umano ng isang menor de edad na babae sa Negros Occidental.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes, mapanonood ang pagpupumiglas ng 34-anyos na suspek kaya nahirapan ang mga operatiba ng Batasan Police Station na padapain siya.
Inihain sa suspek ang warrant of arrest para sa kasong statutory rape. Kadarating lang niya sa isang bus terminal sa Pasay nang dakipin ng mga awtoridad.
Nakunan din ang suspek ng baril na kargado ng mga bala.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Romil Avenido, Commander ng Batasan Police Station, nakatanggap sila ng impormasyon na namataan ang suspek sa Bicol kaya minanmanan nila ang kaniyang mga galaw.
Nang malaman nilang patungo ito sa Maynila, roon na siya inabangan sa bus terminal sa Pasay.
Naganap ang krimen Pebrero noong nakaraang taon sa Manapla, Negros Occidental kung saan 12-anyos ang babaeng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi lisensiyado ang nakuhang baril mula sa lalaki.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung nagamit ito sa ibang krimen.
Isusumite ang baril sa crime lab para sa ballistic examination at isasailalim din ito sa cross matching sa mga lugar kung saan nanggaling ang suspek na may mga napaulat na shooting incident.
Inihahanda na ang mga dokumento para sa return of warrant sa kasong statutory rape na kinahaharap ng lalaki.
Patungkol naman sa nakuhang baril, mahaharap siya sa reklamong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
"Wala ho akong masasabi kasi hindi ko rin alam 'yun," sabi ng suspek tungkol sa paratang sa kaniya.
Ngunit pagdating sa baril na nakuha sa kaniya at kung saan niya ito ginagamit, "Personal ko na 'yun, proteksiyon ko lang 'yun sa sarili ko," ang sabi ng suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News