PAALALA, SENSITIBO ANG VIDEO

Nauwi sa malagim na trahediya ang pagtipon-tipon ng mga mag-aaral sa isang unibersidad sa Bolivia nang bumigay ang bakal na harang o railing sa ika-apat na palapag ng gusali, at mahulog ang walong mag-aaral na ikinasawi ng lima sa kanila.

Sa video ng GMA News Feed, sinabing nangyari ang trahediya sa hallway ng ika-apat na palapag ng El Alto Public Univertiy (UPEA).

Batay sa mga lumabas na ulat, nagtipon-tipon ang mga estudyante sa hallway ng financial sciences building para sa isang assembly.

Makikita ang pagsisiksikan ang mga estudyante at hindi maiwasan na magkatulakan hanggang sa bumigay ang bakal na harang at nahulog ang walong mag-aaral.

Ang ibang estudyante, nagawang may makapitan at hinawakan ang iba pang mag-aaral para hindi tuluyang mahulog.

Sa kasamaang-palad, walong mag-aaral ang nahulog sa ground floor, at lima sa kanila ang kaagad na nasawi habang isinugod sa ospital ang tatlong iba pa.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pangulo ng Bolivia na si Luis Arce sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

"Our deepest condolences to the people of El Alto and to the suffering families. We waits the prompt clarification of the facts," anang pangulo.

Bukod sa tila hindi maayos na pagkakabit ng railings, marami ang pumuna kung bakit pinayagan na magtipon- tipon ang mga estudyante gayong mayroon pandemya.

Hindi ito kaagad nasagot ng administrador ng unibersidad pero sinabing ipinagbawal nila ang pagdaraos ng pagtitipon bilang pag-iingat sa COVID-19.

Nagsasagawa na ng sariling imbestigasyon ang unibersidad, bukod pa sa imbestigasyon ng pulisya.--FRJ, GMA News