Dahil sa COVID-19 pandemic, marami sa plano ng mga nagpapakasal ang nagbago. Ang isang bride, nag-isip pa rin ng paraan para maging memorable ang kaniyang kasal nang piliin niyang maglakad na lang at tumawid sa kalye papunta sa simbahan imbes na sumakay sa bridal car.
Sa programang "Mars Pa More," ipinakita ang video ni May Boquiron na tumatawid sa pedestrian lane habang naka-gown at inaalalayan ng kaniyang entourage.
Ayon kay May, unang plano nila ng asawa niyang si Irone na aakyat si May sa pataas na hagdan ng simbahan na kanilang napili.
"But then nagka-pandemic, we have to cancel the plans. 'Yung church pinalitan namin bigla all of a sudden. Tapos gusto ko pa rin ng something unique on the wedding day itself para maging mas memorable siya. Kasi memorable naman na siya first day, pero I want it to look back to it, ipakita ko siya na kakaiba," ani May.
"Eh since walking distance lang naman 'yung magiging church, why not walk na lang from home to the church," pagpapatuloy niya.
Naisip daw ni May na maglakad na lang papunta sa simbahan isang linggo bago ang kaniyang kasal.
"Naisip ko na why not do something different this time para at least kung babalikan ko man later on 'yung naging wedding namin, masasabi ko na 'Uy may nagawa akong something different.'"
Ayon naman kay Irone, orihinal nilang plano na mag-imbita ng 150 hanggang 200 guests, pero dahil sa pandemya, naging 30 na lang ang kanilang panauhin na binubuo ng kanilang mga pamilya at malalapit na kaibigan.
"Actually inisip naming i-postpone, around June noong nakikita namin na hindi pa magsa-subside 'yung crisis, maybe we can just postpone it. Kaya lang parang after a month naisip namin, even after the pandemic 'yung new normal iba rin naman. So I guess it might be better na ituloy na rin kaysa i-postpone na hindi namin alam kung kailan pa siya matutuloy," sabi ni May. --FRJ, GMA News