Tangalan, Aklan- Nagulantang ang may-ari ng isang asong buntis sa Barangay Tagas sa bayang ito nang makita na ang isa sa mga tuta na iniluwal ng kaniyang alaga ay isa lang ang mata.
Kuwento ng may-ari ng aso na si Amie De Martin, isinilang ang tuta na lalaki dakong 10:00 pm noong Pebrero 6.
Ika-anim daw ang tuta na inilabas ng alaga niyang aso na may halo na lahing Japanese spitz.
Kaagad daw nila ipinasuri sa beterinaryo ang tuta na namatay din kinalaunan dahil sa kaniyang kondisyon.
Bukod sa isa lang ang mata na nasa gitna ng mukha, walang ilong ang tuta, at hindi mawari ang hitsura ng bibig.
Posible umanong nakakain ng toxin ang inang aso o ang pagiging menopausal nito ang dahilan ng deformity ng tuta.
Plano raw ng pamilya na ipreserba ang labi ng tuta.
Noong nakaraang Nobyembre, isang tuta na kakaiba rin ang hitsura ang isinilang naman sa Mati City.--FRJ, GMA News