Napalitan ng tuwa ang pagdadalamhati ng isang pamilya sa Spain nang malaman nilang buhay ang kanilang lola na unang idineklarang namatay sa COVID-19 at kaagad inilibing nang hindi man lang nila nasilayan sa huling pagkakataon.
Binigla ng isang 85-anyos na lola na si Rogelia Blanco ang kaniyang pamilya nang umuwi siya sa kaniyang care home na malakas at masigla, ilang araw matapos na ideklara siyang "patay" dahil sa COVID-19.
Sa video ng GMA News Feed, iniulat ng pahayagang La Voz de Galicia na idineklarang patay si Rogelia noong Enero 13.
Dahil sa health protocol na kailangang ilibing kaagad ang mga namatay sa COVID-19, inihatid kaagad kinabukasan (Enero 14) sa kaniyang huling hantungan si "Rogelia" hindi na siya nasilayan ng kaniyang mga kaanak kahit man lang sa huling pagkakataon.
Ngunit matapos ang siyam na araw, umuwing masigla si Rogelia sa kaniyang care home.
"I could not believe it. I was crying after the death of my wife," sabi ni Ramon Blanco, asawa ni Rogelia na naninirahan din sa care home.
Paliwanag ng San Rosendo Foundation, nagpapatakbo ng care home, nagkaroon ng mix-up o pagkakamali sa mga pangalan ng mga nakatatandang inaalagaan nila.
Disyembre 29 pala nang ilipat si Rogelia at iba pang residente na nagpositibo sa COVID-19 sa ibang care home para isailalim sila sa specialized treatment, at dito na nangyari ang pagkakamali.
"An identification error during the process of transfer from Xove to Pereiro de Aguiar led to the death of one of them being certified on Jan. 13, although the identity was wrongly assigned," lahad ng San Rosendo Foundation.
Humingi ng paumanhin ang San Rosendo Foundation sa nangyari at inabisuhan na rin ang korte para ayusin ang pagkakamali sa "pagkamatay" ni Rogelia.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News