Isang nurse sa California ang nagpositibo sa COVID-19 isang linggo matapos siyang maturukan ng first shot ng Pfizer-BioNTech vaccine. Ayon sa medical expert, kailangan pang bigyan ng panahon ang katawan bago magkaroon ng lubos na proteksiyon laban sa virus.
Sa ulat ng GMA News “24 Oras,” ang nurse na tinukoy sa Reuters report na si Matthew W., 45, ay hindi naman umano nakaranas ng side effects mula sa bakuna bukod sa naramdaman na bahagyang pananakit ng braso.
Pagkaraan ng anim na araw, nakaramdam na siya ng panlalamig, pananakit ng katawan at pagkahapo. Nang suriin siya sa virus, positibo ang resulta pagkaraan ng dalawang araw.
Ayon sa infectious disease specialist, posible talagang mangyari ang insidente.
"We know from the vaccine clinical trials that it's going to take about 10 to 14 days for you to start to develop protection from the vaccine," sabi ni Dr. Christian Ramers ng Family Health Centers sa San Diego sa ulat ng ABC News.
Idinagdag pa niya na ang Pfizer vaccine na may dalawang doses na ibinibigay. Sa unang dose umano ay 50 porsiyentong proteksiyon lang ang hatid at makukuha ang 95-percent na bisa ng gamot kapag naibigay na ang ikalawang shot.
Hindi pa naglalabas ng pahayag ang Pfizer tungkol sa insidente. — FRJ, GMA News