Isang duktor ang nagreklamo sa mga awtoridad sa India matapos siyang maloko ng dalawang lalaking nagbenta sa kaniya ng umano'y magic lamp ni "Aladdin" at may magpakita pa raw na "Genie." Ang halaga ng lampara, katumbas ng P4.5 milyon.
Ayon sa ulat ng Agence France Presse, dumulog sa mga awtoridad sa Uttar Pradesh si Laeek Khan matapos niyang madiskubre na naisahan siya ng taong nagbenta sa kaniya ng lampara sa halagang aabot sa pitong milyong rupees.
Sinabi ni senior officer na si Amit Rai sa AFP, na dalawang lalaki ang naaresto at hinahanap naman ang asawa ng isa sa mga ito dahil sa paniwalang sangkot din sa panloloko.
Nakasaad umano sa reklamo ng biktima na nilapitan siya ng isa sa mga suspek na nagpakilalang "occultist" o may kakaibang kapangyarihan. Nagawa rin nito na makapagpalabas ng "genie" mula sa lampara.
Nang hilingin daw ni Khan na hawakan ang genie o maiuwi ang lampara, tumanggi raw ang lalaki dahil baka mapahamak siya.
Nauwi ang kanilang pag-uusap sa pagbili ni Khan sa lampara dahil sa magbibigay daw ito ng suwerte sa kaniya, ayon sa suspek.
Kinalaunan, napagtanto umano ni Khan na ang nakita niyang "genie" ay isa rin sa mga suspek na nagkunwari lang.
"The men have also cheated other families using the same modus operandi. The total amount of money involved runs into several million rupees," sabi ni Rai. -- AFP/FRJ, GMA News