Sa unang pagkakataon, isang daga ang binigyan ng pagkilala ng isang kilalang organisasyon para sa mga hayop dahil sa ginawa niyang paghanap sa mga nakatagong bomba sa lupa o landmine sa Cambodia.
Sa virtual presentation ng grupong PDSA (People's Dispensary for Sick Animals), na nakabase sa United Kingdom, at pinangunahan ni John Smith, igawad ang medalya ng kabayanihan sa hero rat na si "Magawa."
Ayon kay Smith, sa 77 taon ng kanilang organisasyon sa pagbibigay ng pagkilala sa kabayanihan ng mga hayop, ngayon lang na may dagang nabigyan ng naturang medalya.
Ang naturang parangal naman ay tinanggap ng charity group na Apopo, ang nagsanay kay Magawa.
Sa sistema, nakatali na palalakarin sa lupa si Magawa para maghanap sa pamamagitan ng pag-amoy sa bomba. Kapag may naamoy, bahagya siyang huhukay.
Umabot na umano sa 39 na landmine at 28 na iba pang uri ng pampasabog sa Cambodia ang nakita dahil kay Magawa.
Katumbas ito ng nasa 141,000 square meter ng lupain na ang nalinis na sa mga bomba at nakapagligtas ng maraming buhay.
Dahil magaang ang katawan kumpara sa mga tao, wala pa umanong insidente na may napahamak na daga sa paghahanap ng landmine.
Tulad ng mga aso, may takdang panahon din sa pagreretiro ang mga daga. Kapag dumating ang panahon na ito, ilalagay sila sa retirement home at aalagaan.-- FRJ, GMA News