Hindi naging "happily-ever after" ang ending ng tangkang panloloob ng isang lalaki sa isang bahay sa General Santos City. Bukod sa bigo ang kaniyang masamang balak, naiwan pa niya ang isang kabiyak ng kaniyang tsinelas na naging daan sa pagkakaaresto niya.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nabisto ang gagawing pagnanakaw ng suspek na si Bryan Tagpuno, sa isang bahay sa Barangay Bula kaya kaagad siyang tumakas.
Sa pagmamadali, hindi niya nakuha ang cellphone na target niyang sikwatin at naiwan pa ang isang kabiyak ng kaniyang tsinelas.
Nakatira lang si Tagpuno sa kabilang kalye ng bahay na tinangka niyang pagnakawan at nakita siya ng mga awtoridad na isa lang ang suot niyang tsinelas.
Ipasukat ng mga awtoridad sa suspek ang naiwan niyang tsinelas sa bahay, na naging "perfect fit" sa kaniya.
"Sa likod sa bahay, doon siya dumaan, naiwan talaga 'yung tsinelas niya nu'ng tumakas siya," sabi ni Police Lieutenant Omar Baret, Station Commander ng PS6-General Santos City Police.
"Gutom lang po," depensa ng suspek.
Kahit walang nakuhang kagamitan ang suspek, handa pa ring maghain ng reklamo ang kaniyang biktima.
"Sabi naman ng victim natin tsaka ng witness, nakainom itong taong ito nang pumasok sa bahay," sabi pa ni Baret.
"Kung palalagpasin niya ito time will come gagawin at gagawin niya ulit. Considered robbery ito kasi po pinasok niya 'yung bahay, he possibly opened the door," dagdag ng hepe.--Jamil Santos/FRJ, GMA News