Mahigit 10 taon nang bulag ang 94-anyos na si lola Teting dahil sa katarata. Pero kahit nawalan siya ng paningin, hindi raw tumigil sa pagdarasal ang matanda. At isang araw, nagising na lang siya na muling nakikita ang paligid kahit hindi naman siya inoperahan. Isa nga bang himala ang nangyari? Alamin.
Sa programang “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ni Lola Teting mula sa Buruanga, Aklan, na 2008 nang nawala ang kaniyang paningin.
Sinubukan daw noon na isailalim sa laser eye surgery ang matanda pero tumaas ang kaniyang blood pressure kaya hindi na nila itinuloy dahil baka malagay sa peligro ang kaniyang buhay.
Hanggang nitong nakaraang Hulyo 23, bigla na lang siyang nakakita muli.
“Nanaginip ako na nakakakita na ako,” saad niya. “Mga dalawang araw, paggising ko, ay nakita ko na ang aking anak, tinawag ko, ‘Nakakakita na ako, ’ne!’"
Naniniwala ang kaniyang mga kaanak na isang himala ang nangyari dahil hindi raw nawala ang pananampalataya ni Lola Teting kahit na nawalan siya ng paningin at lagi pa ring nagdarasal at nagrorosaryo.
Nang makakitang muli, kaagad daw na tiningnan ni lola ang sarili sa salamin.
Tinawagan niya ang isang anak na nasa ibang bansa na matagal na rin niyang hindi nakikita.
Paano nga ba nangyari na bumalik ang paningin ni Lola Teting? Panoorin ang paliwanag ng isang ophthalmologist na nagsabing pambira ang nangyari sa kaso ng matanda. Panoorin.
--FRJ, GMA News