Ibinisto ng isang netizen ang ginawang pagduktor umano ng isang print shop para palitan ang pangalan at edad na nakalagay sa isang COVID-19 rapid test results. Ang siningil lang daw ng print shop sa pag-edit--P25.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng netizen na itinago sa pangalang "Shin," na nadiskubre nito ang ilegal na gawain sa print shop nang mapansin niya na matagal ang ipinapagawa ng lalaking nauna sa kaniya sa shop.
“Nakita ko unang una, caps lock, ‘Negative.’ So binasa ko po siya, COVID. Ta’s nakita ko po pinapalitan po ‘yung name no’ng nasa result po,” kuwento niya.
“No’ng pinrint na po ‘yun nakita ko ‘yung mismong original copy, iba ‘yung pangalan na nando’n sa nando’n sa may screen. Aware po ako na hindi puwede mag-print ang kahit sino ng gano’n e,” dagdag ni Shin.
Palihim na kinuhan niya ng larawan ang ginawang pagduktor sa COVID-19 result at ipinost niya sa social media dahil sa pagkadismaya at para malaman ng mga awtoridad.
"Naiinis ako kasi ang dami na nga pong ano positive tapos may mamemeke pa sila ng papel. So paano pa natin malalaman kung sino yung positive and negative," paliwanag niya.
Nakausap ng GMA News ang babae sa larawan na sinasabing nag-edit sa resulta ng COVID-19 test.
“Pina-edit niya lang po… na puwede po palitan ‘yung name at saka age, ‘yun lang po,” paliwanag niya.
“Nagsabi na po ako sa kaniya bawal po e tapos pina-edit niya po,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng babae na P25 lang ang siningil niya sa lalaki para sa pag-edit.
“Sorry na po, hindi ko na po uulitin ‘yun,” saad pa ng babae na naiyak dahil sa nabasa niyang mga komento sa post.
Nagbabala naman si coronavirus testing czar Vince Dizon sa mga magdudoktor ng COVID-19 test results.
“Hindi po pupuwedeng mameke ng resulta, hindi puwedeng magbago ng resulta. Mabigat po ang magiging penalties para sa ganiyang mga violation kaya nanawagan tayo sa ating mga kababayan, ‘wag na ‘wag po nating gagawin ‘yan,” paalala niya.
Nakipag-ugnayan na rin kay Shin ang Criminal Investigation and Detection Group para imbestigahan ang naturang print shop.
Samantala, hindi pa natutukoy ang lalaking nagpaduktor umano ng COVID-19 result, habang sinisikap pa ng GMA News na makuha ang panig ng duktor na nakasaad sa naturang COVID-19 test.—FRJ, GMA News