Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko na mag-ingat sa mga nakikilala sa social media at magpapa-"fall" at saka manghuhuthot ng pera. Ang naturang uri ng panloloko, tinawag na "love scam" na iniiwan ang biktima na durog ang puso at butas pa ang bulsa.
Ayon sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng BOC na nitong nakaraang tatlong buwan na umiiral ang pandemya, hindi umano bababa sa 100 kaso ng ganitong uri ng panloloko ang iniimbestigahan nila.
Sa raket, sa social media magsisimula kung saan makikipagkilala ang mga suspek sa kanilang mga target. Gagamit ang mga suspek ng ibang mukha at personalidad, paiibigin ang biktima, at gagawa ng kuwentong nakakakilig hanggang sa nakakaawa upang maeenganyo ang biktima na magbigay ng pera.
Kapag nakuha na nila ang kanilang pakay, maglalaho ng parang bula ang mga suspek.
"Ang targeting is through the social media accounts ng mga kababayan natin. Nagko-conduct sila ng some sort of a background check doon sa tao, sa mga activities niya," sabi ni Vincent Maronilla, assistant communication sa BOC.
"Kaya minsan madali nila mapahulog 'yung loob [ng biktima] kasi nakikita nila kung ano 'yung mga gusto, ano 'yung madalas i-post," dagdag nito.
Kapag nahulog na ang loob ng biktima, sasabihin ng suspek na may ipinadalang regalo o package na malaki ang halaga na naipit sa BOC at kailangang tubusin.
"'Pag kinontak 'yung biktima, sasabihin na naipit sa amin dito sa Bureau of Customs at may kailangang bayaran para mailabas 'yung kargyamento. Ang unusual is that napapayag silang magbigay at magdeposito sa remittance centers," ani Maronilla.
Nag-abiso ang BOC na ang mga credited na bangko at mga cashier sa tanggapan ng Customs ang bayaran ng buwis. Kapag mayroon raw naniningil ng buwis at pinagbabayad sa remittance center ay dapat na magduda.
"Kapag may pera nang involved na hinihingi, magsaliksik muna ho. Hindi naman ho masamang magtanong sa mga ahensya ng gobyerno," payo niya.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News