Isang babae ang nasawi, habang sugatan ang dalawa pa matapos silang salpukin ng isang closed van sa Quezon City.
Sa ulat ni James Agustin sa GTV Balitanghali nitong Miyerkoles, ipinakita ang CCTV footage sa Barangay Damayang Lagi, habang naglalakad sa bangketa ang tatlong biktima nitong Martes ng gabi.
Maya-maya lang, isang van ang lumihis ng takbo ang natumbok mula sa likuran ang mga biktima.
Dalawa sa mga biktima ang pumailalim sa van.
Agad na nasawi ang isang senior citizen, habang dinala sa ospital ang dalawa pa.
Naaresto naman ang 34-anyos na driver na hindi nagbigay ng pahayag.
Ayon sa kasama ng driver na may-ari ng van, magde-deliver sila sa lugar nang mangyari ang insidente.
Bigla raw nawalan ng preno ang van kaya nasalpok ang mga biktima.
"Pasensya na po e talagang disgrasya, hindi natin kagustuhan po natin yon. Talagang wala tayong magagawa po," saad niya.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulisya sa insidente—FRJ, GMA Integrated News