For sale na ang umano'y plant-based “cure” o gamot sa COVID-19 na naimbento ng Madagascar. Ang ilang bansa sa Africa, nagsimula nang umorder sa kabila ng babala ng World Health Organisation (WHO) na hindi pa garantisado ang bisa nito.
Sa ulat ng Reuters, sinabing inilunsad ng presidente ng Madagascar na si Andry Rajoelina nitong nakaraang buwan ang umano'y gamot umano na mula sa halamang Artemisia annua na may anti-malarial properties.
Ang sinasabing gamot na tinawag na “COVID-19 Organics” o CVO, ay nabuo ng state-run Malagasy Institute of Applied Research. Gayunman, hindi pa raw ito sumasailalim sa internationally recognised scientific testing.
Kaya nagbabala ang WHO na kailangan pang masuri ang bisa at side effects nito.
Binigyan naman ng Madagarcar ng libu-libong doses ng COVID-19 Organics ang Tanzania, Equatorial Guinea, Central African Republic, the Republic of Congo, at Democratic Republic of Congo, Liberia, at Guinea Bissau.
Sabi sa Reuters ng legal adviser ni Rajoelina, plano nilang ibenta ang umano'y gamot, na nabibili sa kanilang bansa sa halagang katumbas ng $0.40 bawat bote.
Ang ilang pinuno ng bansa sa Africa, nagsimula na umanong umorder.
Nangangamba si WHO Africa head Matshidiso Moeti, na maging pabaya sa pag-iingat ang mga taong makakainom na sinasabing gamot dahil iisipin nilang may pangontra na sila sa virus sa kanilang katawan.
Mayroong mahigit 200 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Madagascar, halos 100 na ang gumaling, at wala pang naiulat na nasawi sa virus.
Ayon sa African Union (AU), hihilingin nila sa Madagascar ang mga datos tungkol sa sinasabing gamot, at ipasusuri sa Africa Centres for Disease Control and Prevention.
“This review will be based on global technical and ethical norms to garner the necessary scientific evidence,” saad ng AU.--Reuters/FRJ, GMA News