Matapos mag-viral ang kaawa-awang kalagayan ng isang 76-anyos na bulag na lola na patuloy sa pagtitinda sa bangketa ng Divisoria sa Maynila, kaagad siyang tinulungan ng lokal na pamahalaan.
Napag-alaman na sinundo si Lola Elen San Sebastian sa kaniyang kinaroroonan ng mga kawani ng social welfare department-Manila sa tulong ni Kagawad Jeric John Deang ng Tondo, Maynila.
At nitong Martes ng umaga, nakapiling na ni Lola Elen ang kaniyang mga kaanak.
Nitong nakaraang Biyernes, nag-viral ang larawan ni Lola Elen habang nagtitinda ng sili sa gilid ng bangketa sa Divisoria, na ipinost ng netizen na si Rhojanna Ronha Dizon.
Ayon kay Dizon, hindi siya mahilig sa sili pero araw-araw siyang bumibili ng tinda ni Lola Elen nang malaman niya na bulag ito.
"Kinakapa niya 'yung plastic ng paglalagyan ng binili ko. Nang iabot ko 'yung bayad ko na P20.00, sabi niya, 'Ne, magkano itong bigay mo? May sukli pa ba ito," kuwento ni Dizon.
Sa naturang post ni Dizon, nanawagan siya na matulungan sana si Lola Elen at hindi naman siya nabigo.--FRJ, GMA News