Kakaibang gimik ang alok ng mga nasa likod ng umano'y isang investment scam na may kaugnay sa paghahayupan dahil ang produktong ipinain nila sa mga bibiktimahin para magbigay ng libu-libong pisong puhunan— sisiw.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing nasa 39 na investors ng ADA Farm Agriventure ang dumulog sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) para magsampa ng reklamo.
Ayon sa mga nagreklamo, nahikayat silang mag-invest ng tig-P50 kada sisiw sa ADA Farm dahil sa pangako na kikita sila ng P40 sa bawat sisiw sa loob lang ng dalawang buwan.
Si Editha Golpio, P300,000 daw ang ipinasok na puhunan sa ADA para sa 6,000 na sisiw.
"Magaling magsalita, may mga props po na DTI (Department of Trade and Industry) permit, may mayor's permit doon. Basta marami po silang permit sa office na yun kaya hindi po kami nagdalawang isip," saad niya.
Nag-upload pa raw ang mga nasa likod ng ADA Farm Agriventure ng mga video na makikita ang mga umano'y bago nilang sasakyan at mga pera na kinita daw nila sa investment.
Pero base sa imbestigasyon ng NBI, lumalabas na isa umanong investment scam ang ADA. Wala rin umano itong nakarehistrong poultry farm na ADA farm sa Bulacan, taliwas sa kanilang sinasabi sa mga investor.
Ayon kay Atty. Cesar Bacani, Regional Director, NBI-NCR, nagbibigay umano ang grupo ng tseke sa mga investor na garantiya raw kapag hindi nila naibigay ang napagkasunduang kita. Pero kapag dinala na sa bangko ang tseke, tatalbog na ito.
Sa website ng Securities and Exchange Commission, naglabas sila ng babala laban sa pag-i-invest sa ADA dahil hindi raw ito awtorisadong tumanggap ng investment.
Ayon sa ulat, pinuntahan ng GMA News ang opisina ng ADA farms sa Caloocan para makuha ang kanilang panig pero sarado na ang kanilang opisina.
Nagpaalala naman ang NBI sa publiko na huwag basta-basta magpapakawala ng pera sa pinapasok na negosyo hanggang hindi nakatitiyak na tunay o lehitimo ang mga ito.--FRJ, GMA News