Dahil tatlong buwan nang hindi nireremedyohan ang isinumbong niyang lubak sa daan, isang lalaki sa Kansas City, USA ang nakaisip ng kakaibang paraan para mapansin ng mga kinauukulan ang problema sa kanilang lugar.

Sa online news ng KCTV5, sinabing naisipan ni Frank Sereno na bigyan ng "birthday party" ang naturang lubak na tatlong buwan nang nakatengga kahit ilang beses na niyang inireport.

Ang naturang lubak ay indikasyon umano kung gaano kasama ang kalagayan ng aspaltadong kalsada, ayon kay Sereno.

Ang ginawa ni Sereno, nilagyan niya ng cake na may sinding kandilang number 3 ang lubak na tatlong buwan na niyang nakikita sa kanilang lugar.

 

(Frank Sereno FB)

Pero hindi na raw niya nagawang kantahan ng birthday song ang lubak dahil sa mainit ang panahon.

Ikinagulat at ikinatuwa naman ng mga kapitbahay ni Sereno ang larawan nang i-post niya ito sa Facebook.

Napag-alaman na hindi lang sa lugar ni Sereno may problema sa mga lubak sa daan sa lungsod pero tinutugunan na raw ito ng kinauukulang ahensiya.

Nakasagabal lang daw sa ginagawa nilang pagkumpuni sa mga lubak ang nakaraang mga pag-ulan.-- FRJ, GMA News