Isang lalaki na putol ang isang braso ang inaresto ng mga awtoridad matapos akusahan ng isang dalagita ng panghahalay sa Misamis Oriental. Ang suspek, todo sa patanggi sa paratang laban sa kaniya.

Sa ulat ni Clyde Macascas ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipins" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Ben Bulawan, na kasalukuyang nakadetine sa Opol Municipal Police Station.

Reklamo ng biktima na kaibigan ng asawa ni Bulawan, nakitulog siya sa bahay ng mag-asawa matapos siyang malasing mula sa pakikipag-inuman sa mga kaibigan noong December 22.

"Nagulat ako kasi hinubaran niya ako. Hindi na ako makalaban kasi nanghihina na ang katawan ko," anang biktima. "Ginapang na niya ako. Medyo mataba siya, malaki tiyan kaya hindi ako makaalis. Tapos ginawa na niya."

Muntik pa raw maulit ang panghahalay ng suspek sa dalagita noong madaling araw ng Pasko pero hindi natuloy nang dumating ang mga kaibigan ng biktima.

Dagdag pa ng dalagita, hindi niya kaagad nagawang magsumbong dahil sa takot sa suspek.

Sa piitan, itinanggi ni Bulawan ang paratang laban sa kaniya at hindi niya raw alam ang motibo ng dalagita sa ginawang pagbibintang sa kaniya.

"Ang totoo nangyari ay nitong Linggo, ginising ko ang asawa ko kasi humingi ako ng P20 para sa pamasahe papunta sa Bulua. Simbang gabi kasi kaya pumunta ako sa Bulua para mamalimos," paliwanag niya.

Ayon sa pulisya, lumabas sa medical examination na positibong nagalaw ang biktima.

Ang suspek naman, nanawagan din na ipa-medical siya para makita rin kung kaya niyang gawin ang ibinibintang sa kaniya. --FRJ, GMA News