Mula pa pagkabata, kapansanan na ni Fife Vanice Dayola ang brittle bone disease kaya hindi na siya tumangkad at hirap pang kumilos.

Ngunit hindi ito naging hadlang sa kay Vanice para makapaglingkod sa kapwa at tumakbo bilang kagawad para sa Sangguniang Kabataan ng kanilang barangay sa Davao City.

Sa programang Front Row, ikinuwento ni Vanice, 22-anyos, na natapos niya ang Kinder-2 at Grade 6, at kumuha din ng basic computer at Alternative Learning System. Ngunit hindi niya natuloy ang ALS dahil sa kahirapan.

Tulad ng ibang persons with disabilities (PWD), nakakaranas din si Vanice ng mga panunukso at panlalait mula sa ibang tao, ngunit hindi niya na lang ito pinapansin. "Ngitian ko na lang po sila, hindi na lang po ako nagsabi ng mga masasamang salita sa kanila."

Dahil sa paghihimok ng kaniyang kaibigan, nagpasiya si Vanice na tumakbo bilang SK Kagawad. "Gusto ko pong makatulong sa barangay namin sa paraang kaya ko."

Kagawad ngayon si Vanice ng 21-C, Davao City, at "flattered" na tinanggap siya ng kaniyang bayan sa kabila ng kaniyang kapansanan.

Kuwento pa ni Vanice, marami ring PWD sa kanilang barangay, at mga kabataan na napapariwara. "Isa sa mga paraan ko, i-guide sila papunta sa mabuting paraan."

Ang paglilingkod ni Vanice ay nakaranas din ng mga pagdududa ng ilang tao.

"May times na dina-down ako ng lahat, 'di ko na lang pinapansin. Kakayanin ko ba daw? Kaya ko ba daw? Kinakaya, para po sa pamilya ko."

Ngunit tiwala si Vanice na tutulungan siya ng kaniyang team, na mas masaya pa sa kaniya sa tuwing itinatanghal siya bilang number one purok sa kanilang barangay.

Kamakailan, tumulong magpinta at maglinis si Vanice sa brigada eswuwela na outreach ng kanilang barangay.

Tinanong si Vanice kung hanggang kailang ang kaniyang pagtulong sa kaniyang kapuwa.

"Hanggang sa makaya ko. Maging positive lang para makatulong ako at maabot 'yung mga pangarap ko," sabi ni Kagawad Vanice. —Jamil Santos/JST, GMA News