Hindi bababa sa 28,000 Pinoy drivers ang kakailanganin ng Japan at ilang bansa sa Europa sa susunod na limang taon, ayon sa Overseas Labor Market Forum.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Suzuki Yuki, ang Japanese Labor Attaché, kakailanganin ng kanilang bansa ang mahigit 24,000 taxi driver at nasa 4,000 na train drivers.
Ang buwanang sahod ay nasa P58,000 hanggang 65,000.
Bahagi naman ng rekisitos sa mga aplikante ang pagkaroon ng language proficiency certificate, o kailangan matuto ng Nihongo.
"Ang worker dapat walang nilalabas na pera even for language training. Dapat ito covered by the employer," bilin ni Department of Migrant Workers Undersecretary Py Caunan.
Ang mga bansa naman sa Europa na Slovenia, Austria at Czech Republic ay mangangailangan ng mga truck, bus at taxi drivers.
Ang sahod ay aabot mula sa katumbas na P55,000 hanggang P142,000. Kailangan namang marunong magsalita ng Ingles ang mga aplikante.
Ayon sa Philippine Association of Service Exporters, marami pang trabaho sa ibang bansa ang available pero hindi kuwalipikado ang maraming Pinoy.
Kaya inirerekomenda ng PASEI sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na magbigay ng mga kursong pang-upskilling.
"Automation ng mga machines na inooperate. Pangalawa, sa drivers hindi manual puro automatic kasi sila. Pangatlo mas mahaba buses nila kesa sa atin," paliwanag ni Raquel Espina Bracero, PASEI.
Para sa taxi driver na si Rexon Noleal, malaking tulong ang mabibigay sa kanila ng pagsasanay para sa mga nais mag-apply pero sana raw ay libre.
"Free trainings po sana para sa mga bata pong katulad ko kasi mas madami pa opportunity," ani Rexon.
Nakikipag-ugnayan umano ang DMW sa TESDA kaugnay sa naturang usapin.
Iginiit naman ni DMW Secretary Hans Cacdac, na bukod sa trabaho, kailangang matiyak ang proteksiyon ng mga manggagawang Pinoy sa ibang bansa.
"Yes, may demand, yes talagang Filipino worker. Pero teka dapat safe, ethical. One example ng usapan o host country, bago kayo mag-issue ng visa siguraduhin niyo dumaan sa DMW protector," paalala niya. —FRJ, GMA Integrated News