Tinukoy na ang dating aktres na naging entrepreneur na si Neri Naig, ang celebrity na inaresto ng mga awtoridad dahil sa kasong syndicated estafa at paglabag sa Securities Regulation Code. Ang mister niyang singer na si Chito Miranda, nagbigay ng pahayag.
Sa Instagram, sinabi ni Chito na hindi nanloko ng tao ang kaniyang maybahay.
"Tulad ngayon, endorser lang sya tapos ginamit yung face nya to get investors. Kinasuhan sya ng mga nabiktima," paliwanag ng Parokya ni Edgar frontman.
Sinabi ni Chito na bigla na lamang dinakip si Neri para sa parehong kaso kahit na hindi pa siya binibigyan ng abiso tungkol sa bagong reklamong kriminal laban sa kaniyang kabiyak kaya hindi nito naipagtanggol ang sarili niya.
"Wala syang nareceive na letter from the prosecutor, walang subpoena, walang kahit anong notice," sabi ni Chito.
Taliwas umano ito sa mga nakaraang reklamo laban kay Neri na nakatanggap ito ng mga notice at sumunod naman siya.
Ngunit sa pagkakataong ito, "[D]inampot na lang [siya] bigla," sabi ni Chito, na umaasang mababasura ang kaso laban sa kaniyang asawa.
Iginiit pa ni Chito na walang kinukuhang pera si Neri sa kahit na sinong tao.
"Sobrang bait po ni Neri...as in sooobra... Eto yung babaeng kinulong ninyo without bail, habang nakalaya pa yung mga tunay na may kasalanan," anang singer.
"Praying na ma-sort out na ang lahat ng ito...kawawa naman yung asawa ko," saad pa ni Chito.
Una rito, napaulat na may isang aktres na "Neri" ang dinakip ng mga awtoridad kamakailan dahil sa estafa umano at paglabag sa securities regulation code.
Nahaharap siya sa kasong estafa kaugnay ng Presidential Decree 1689, na nagdadagdag ng parusa para sa estafa "committed by a syndicate consisting of five or more persons formed with the intention of carrying out the unlawful or illegal act, transaction, enterprise or scheme."
Nahaharap din siya sa 14 count ng paglabag sa Section 28 ng Republic Act 8799 o ang Securities Regulation Code, kung saan kasali ang mga probisyon sa pagpaparehistro ng mga broker, dealers, salesman, at iba pang nauugnay na tao.-- FRJ, GMA Integrated News