Isang aso ang namataang nakalubog sa baha na dulot ng Bagyong "Kristine" sa Naga City. May nakita ring aso na basang-basa rin sa gitna ng ulan.
Sa video ni James Lemuel Mallapre, na iniulat din sa GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang aso na kulay itim at puti na giniginaw at tila naghihintay sa may pader.
Ayon kay Mallapre, tinangka nilang sagipin ang aso, ngunit nagiging agresibo ito sa tuwing nilalapitan.
Kaya naman minabuti niyang manawagan online para masagip ang aso.
Samantala, nanawagan din ang netizen na si Miel Protacio na sagipin ang isang aso na nakita niyang sumilong naman sa e-bike.
Ayon kay Protacio, hindi niya matiyak kung hinihintay lang ng aso ang amo nito o sadya itong iniwan sa labas.
Gustuhin man nilang tulungan ang aso, takot naman silang basta na lamang ito na lapitan.
Nanawagan ang animal rights advocates na tiyakin ang kaligtasan ng mga hayop sa oras ng sakuna.
Sinuong ng grupong Tabaco Animal Rescue and Adoption ang panganib upang iligtas ang mga aso sa kasagsagan ng Bagyong Kristine.
Ayon sa kanila, kinailangang i-rescue ang nasa 100 aso at pusa na sumilong sa kanilang shelter.
Ngunit maging sila, kinukulang sa tauhan sa dami ng kailangang iligtas.
"Pagod na pagod na kami, lahat basang basa na, at lahat gutom na, pero laban lang para sa mga rescues. Pasensiya na rin po kung hindi kami makasaklolo dahil kami rin ay nangangailangan din ngayon ng tulong. PLEASE BE RESCUERS YOURSELVES, kahit ngayon lang po," saad ng Tabaco Animal Rescue and Adoption.
Nagpaalala naman ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na tiyaking nakalagay sa mataas na lugar ang mga alaga kung hindi sila maisasama sa paglikas.
Huwag din silang iwang nakatali o nakakulong.--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News