Isang bagong species ng king cobra na tanging sa ilang bahagi lang ng Luzon makikita ang nadiskubre kamakailan.
Ayon kay Kuya Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ang naturang bagong uri na Luzon king cobra ay nalathala sa European Journal of Taxonomy nitong October 16.
Maaari umanong humaba ang Luzon king cobra ng hanggang mahigit 10 talampakan.
Ipinaliwanag naman ni Jazz Ong, isang herpetologist, ang kaibahan ng Luzon king cobra mula sa ibang mga king cobra sa Asia.
"'Yung mga King cobras natin sa Pilipinas, they are a bit smaller compared to 'yung mga King cobras sa Southeast Asia. 'Yung band is one of the most distinct features ng King cobra eh. Sa salvatana, hindi siya ganun kahalata, mas maliit din 'yung ulo niya," ayon kay Ong.
Sinabi rin ni Ong na mahalaga ang pagkakadiskubre ng Luzon king cobra dahil dito malalaman kung gaano rare at fragile ang biodiversity ng Pilipinas.
"Now, alam na natin na super endemic siya, meaning na dito lang siya sa Pilipinas. Hindi rin sa buong Luzon, parts of Luzon lang siya nakikita. We have to reevaluate 'yung IUCN status niya," ani Ong.
Ikinukonsidera rin umano na "vulnerable" ang mga king cobra (Ophiophagus hannah) batay sa listahan ng International Union for Conservation of Nature Red List of Threatened Species (IUCN Red List).
"Vulnerable is the classification before endangered. In general, konti na lang talaga sila, it's possible na kung mas konti pa nga dun 'yung Luzon king cobra," sabi ni Ong.
Ang Wildlife Matters, isang local conservation organization na itinatag ni Ong, naglunsad ng King Cobra Initiative Philippines para mapangalagaan ang "snakes and communities through citizen science and education."
Hinikayat ni Ong ang publiko na i-report kung may makikitang cobra at huwag itong papatayin.
"Kailangan natin malaman kung alin 'yung mga areas na mas kailangan talagang tutukan at kailangan ng anti-venom the most. The answer is not in killing. The answer is proper human-snake conflict mitigation," paliwanag niya.
Kung sakaling may makitang cobra sa loob ng bahay, sinabi ni Kuya Kim na huwag itong lalapitan, at sa halip ay pumunta sa ligtas na lugar.
Manatili lang na kalmado at iwasan ang mabilis na pagkilos. Dahan-dahan na buksan ang pinto o bintana na puwedeng labasan ng ahas.
Makabubuti rin umano na magkaroon ng eye contact sa ahas na pahiwatig na hindi ka natatakot sa ahas. Kasunod nito ay humingi ng tulong sa eksperto.-- FRJ, GMA Integrated News