Nakakadurog ng puso ang sinapit ng isang babaeng apat na taong gulang na biglang idinaing ang matinding pagsakit ng ulo dahil naputukan pala siya ng ugat sa utak. Hinala ng kaniyang ina, maaaring nakaapekto sa sinapit ng anak ang lagi nitong paggamit ng cellphone. Ngunit ang duktor, iba ang paliwanag. Alamin.
Sa video ng "FYP" ng GMA Public Affairs, inilahad ng pamilya na nakaugalian na umano ng bata na manood o maglaro sa cellphone bilang libangan tuwing walang pasok.
Pero isang araw habang natutulog ang bata kasama ang kaniyang ina na si Kriezel Navarro, biglang umiyak ang anak at itinuturo ang kaniyang ulo na tila itinadaing na masakit.
Dahil mas tumindi pa ang iyak ng bata, naghanda na ang pamilya para dalhin siya sa ospital. Ngunit bago pa man sila makaalis, tumirik ang kaniyang mga mata, nag-seizure at nagsuka, hanggang sa tuluyan nang nawalan nang malay.
Ayon kay Kriezel, mabilis ang mga naging pangyayari sa kaniyang anak.
Nang madala sa ospital at isailalim sa CT scan, doon natuklasan na may abnormalidad sa kaniyang utak na dahilan ng pagputok at pagdurugo nito.
Paliwanag ni Dr. Anabelle Alcarde, Chief-Section of Neurosurgery, East Avenue Medical Center, kapag sinabing may abnormalidad, nangyari ito simula pa lang nang ipinagbubuntis ang bata, o habang nagsisimula pa lang mag-form ang ugat habang nasa sinapupunan.
Ibig sabihin, hindi umano naging normal ang pagbuo o pagporma ng mga arteries at veins, nagkaroon ng pagkakadikit-dikit o lumolobo.
"Hindi natin malalaman ito unless magkaroon na ng sintomas," paliwanag ni Alcarte.
Hinihinala ni Kriezel na may epekto ang madalas na paggamit ng cellphone at radiation ng gadget sa sinapit ng kaniyang anak.
Posible umanong napagod ang utak ng anak sa paggamit ng cellphone kaya ito pumutok at nagdugo.
Ngunit ayon kay Alcarte, walang proven study na ang radiation sa mga gadget, computer, TV, at maging ang madalas na paggamit ng cellphone ay nagiging dahilan ng pagdurugo ng utak ng isang tao.
"Sa mga bata kasi usually ang cause niyan congenital, ika nga may abnormalities sa ugat niya o kung hindi man sa ugat may abnormalities sa pagdurugo, so marami ring causes. Puwede ring naaksidente o hindi lang nagsabi yung bata na natumba siya, nabagok puwede rin," paliwanag ng duktor.
Sa sitwasyon ng bata, kailangan siyang operahan. Ngunit ayon kay Kriezel, sinabihan sila na maliit na ang tiyansa na makaligtas pa ang kaniyang anak dahil kumalat na dugo at brain dead na rin ang anak.
Hindi rin nagtagal, tuluyang bumigay ang katawan ng bata at binawian na siya ng buhay.
"Masakit, mabigat, pero happy na rin ako kasi na kay God na siya. Nasa piling na ni God," ayon kay Kriezel.-- FRJ, GMA Integrated News