Sanggol pa lang, nawalay na sa kaniyang ina ang 15-anyos na ngayon na si "Peter" [hindi niya tunay na pangalan]. Dahil sa loob ng kulungan isinilang ang binatilyo, kinuha na agad siya ng mga kumupkop sa kaniya dalawang oras matapos siyang iluwal. Ngayon na malaya na ang kaniyang ina, papayag kaya siyang makasama ang babaeng nagbigay sa kaniya ng buhay?
Sa isang episode ng "Kara Docs" ni Kara David, sinabing buntis noon kay Peter nang makulong si "Esther," ['di niya rin tunay na pangalan] dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Nakakulong din noon ang ama ni Peter, at hindi naman siya kayang alagaan ng kaniyang mga nakatatandang kapatid.
Kaya ang sanggol na si Peter, kinupkop ng POCCH, isang samahan o ministry na nag-aalaga sa mga inabandonang bata at anak ng mga bilanggo.
Pagkaraan ng limang taon, nalaman ni Peter na bilanggo ang kaniyang tunay na ina nang isama siya ng POCCH sa pagmi-ministry o pangangaral sa mga PDL o person deprived of liberty.
"Lumapit siya sa akin, sinabi niya yung pangalan ko. Nagtaka ako bakit alam niya pangalan ko eh hindi ko naman siya kilala," ayon kay Peter.
May kasama siya na nagsabi sa kaniya na ina niya ang tumawag sa kaniya.
"Nagkaroon po ako ng joy sa puso ko, nakita ko na po yung ano...first time na makita ko yung mama ko," saad ng binatilyo.
Ngunit kung tutuusin, hindi pala iyon ang unang pagkakataon na nakasama niya ang kaniyang ina, batay sa kuwento ni Esther.
Ayon kay Esther, wala siyang kamag-anak sa lugar at ayaw din niyang ipaalam sa mga kamag-anak ang nangyari sa kaniya.
"Kaya akala nila patay na ako. Kasi Pinatubo pa lang akala nila patay na ako," sabi ni Esther.
Dahil buntis noon, nangamba raw si Esther sa kung ano ang magiging kinabukasan ng sanggol na kaniyang isisilang sa loob ng kulungan.
Kaya siya na mismo ang nakipag-ugnayan sa POCCH para kupkupin ang sanggol kapag isinilang niya.
"Dalawang buwan bago ako manganak nakausap ko na sila," ani Esther. Nasa mahigit isang oras lang umano niyang nahawakan noon ang sanggol na Peter nang magkawalay na silang mag-ina.
Ayon kay Esther, sinabihan naman siya ng pastora na maaari niyang makuhang muli ang anak.
Sa kabila ng pahayag na iyon, inakala ni Esther na hindi na niya muling makikita si Peter.
Sa kabutihang-palad, sa tuwing bumibisita sa kulungan ang mga social worker para sa kanilang gawain, dinadala nila si Peter na ilang buwan pa lang noon.
Hanggang sa lumipas pa ang mga panahon na may pagkakataon na iniiwan sa kaniya ng ilang oras ang anak habang nagsasagawa ng ministry ang mga social worker sa kulungan.
Labis daw ang kasiyahan ni Esther kapag kapiling ang anak. Ngunit mababalot na siya ng lungkot kapag umalis na ito.
May pagkakataon na napapaisip pa siyang tumakas. Hangad niya na makasama at magkaroon sila ng maayos na buhay ni Peter.
At noong 2018, nakalaya na si Esther kaya agad niyang pinuntahan ang kaniyang anak. Ngunit hindi ibinigay sa kaniya si Peter hangga't hindi niya nagagawa ang kondisyon na kailangan muna niyang ayusin ang kaniyang buhay sa labas.
Dahil batid niyang nasa maayos na sitwasyon ang kaniyang anak, inisip ni Esther na ayusin na muna niya ang kaniyang sariling buhay.
Ngayon taon, inaprubahan na ang parental capability assessment report ni Esther kaya puwede na niyang makasama ang anak na si Peter ano mang oras.
Sabik na si Esther na makapiling ang kaniyang anak, pero ganoon din kaya ang pakiramdam ni Peter? Tunghayan sa video ng "Cara Docs" ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News