Bilang bahagi ng proseso sa paghahanda sa darating na Eleksyon 2025, nagsimula nang maghain ng kani-kanilang certificate of candidacy (COC) ang mga gustong kumandidato. Ngunit ang ilan sa kanila, dati nang nasibak sa posisyon o may kinakaharap na kaso. Puwede ba ito at paano kung manalo sila?
Sa segment na #AskAttyGaby sa GMA News "Unang Hirit" nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Gaby Concepcion, na maaari pa ring kumandidato ang mga may kinakaharap na kaso at maging ang mga dating nasibak sa puwesto.
Paliwanag niya, nakasaad sa ilalim ng Omnibus Election Code na ang mga disqualified o hindi na maaaring kumandidato ay ang mga tao na ang kinakaharap na kasong kriminal ay nagkaroon na ng pinal na hatol ng korte, o ang nagawang krimen ay may kinalaman sa "moral turpitude."
Ang moral turpitude umano ay mga krimen na likas na mali at may pagsisinungaling, pagnanakaw, pagpatay at pananakit.
Ang mga taong na-convict naman noon sa kaso ay maaari ding kumandidato kung nabigyan siya ng pardon o amnesty sa kanilang naging kaso.
Kaya ayon kay Atty. Gaby, kung wala pang final judgment sa kaso o patuloy pang dinidinig sa korte, maaari pa ring mag-file ng candidacy ang isang aspirante.
Ito umano ay dahil sa prinsipyo na itinuturing inosente ang isang akusado "until proven guilty" ng korte.
Pero paano naman kung manalo ang kandidato at kinalaunan ay lumabas ang hatol ng korte na guilty siya sa kaso?
Ayon kay Atty. Gaby, matatanggal sa puwesto ang kandidato kung nanalo siya halalan kapag guilty o na-convict siya ng korte sa kinakaharap niyang kaso.
Dahil naman ito sa principle of continuous qualification na nagsasabing na ang isang kandidato for public office ay dapat qualified hanggang matapos ang kaniyang termino.--FRJ, GMA Integrated News