Peste man kung ituring sa mga pananim, biyaya naman para sa iba ang mga tipaklong na hinuhuli para sa iprito at ginagawang tsitsirya ng mga residente sa South Cotabato.
Sa isang episode ng "Biyahe ni Drew," sinabing "Apan" ang tawag ng mga taga-South Cotabato sa tipaklong, na kapag naprito na ay nagkakahalaga ng P50 kada baso o katumbas na rin ang presyo ng isang kilong bigas.
Ang mga tipaklong, kadalasang hinuhuli kapag madilim na ang paligid. Kailangang mabilis ang kamay at matalas ang mata ng mga nanghuhuli ng tipaklong dahil na rin sa kulay nito na kakulay ng mga tanim.
Mas maraming lumalabas na mga apan kapag umuulan, at mas mahirap hulihin kapag bilog ang buwan dahil lumilipad ang iba.
May kakaiba ring katangian ang mga tipaklong, na matutulog umano kapag inilagay sa freezer. Kapag nawala na ang lamig, muli silang nagigising.
Si Edith Torion, isa sa mga nagtitinda ng prinitong apan.
"Pampadagdag allowance po. Bayad sa utang tapos pangkain araw-araw," pahayag niya.
Ayon kay Elizabeth Estulgar, nagluluto ng apan, taong 1998 nang mag-umpisa ang pagbebenta ng apan sa mga taga-Polomolok.
"Sabi ko, dalhin niyo sa highway, subukan nating ibenta roon. Three hours naubos ang dalawang basket 'yung lalagyan ko ng mangga. Tapos, after three days, sabi ko, 'Subukan kaya natin magluto at ibenta rito sa highway, baka pumatok.' Nagluto ako hanggang marami na ang nagbenta ng apan sa highway," kuwento niya.--FRJ, GMA Integrated News