Hindi na lang napanonood sa mga teleserye o drama ang sampalan, dahil ginawa na rin itong paligsahan na panalo ang literal na makapal ang mukha. Pero ano kaya ang peligro ng isport na ito sa nais na lumaban?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang Slap Fight na ginagawa sa loob ng ring sa Parañaque City na may premyong pera na maaaring mapanalunan.
Isa sa mga sumali rito si Rosel Monfiel, alias “Boy Bakbak” ng Imus, Cavite para sa cash prize na hanggang P10,000.
Dati na niyang pangarap ang maging boksingero ngunit hindi ito natuloy dahil nagkaroon na siya ng pamilya na kailangang suportahan.
Kaya naman naging “fallback” niya sa kaniyang pangarap ang sumabak sa slap fight.
Para sa kaniyang pagsasanay, hindi lang mga kamay at braso ang kinukondisyon ni Monfiel, kundi pinatitigas niya rin ang kaniyang mga panga sa pamamagitan ng pagbuhat ng mga dumbbell, kahoy at sako ng graba na nasa 40 kilos ang bigat, gamit ang kaniyang bibig.
Nagpapasampal din si Monfiel sa kaniyang mga katrabaho para malaman kung tumigas na ang kaniyang panga.
Katunggali ni Monfiel ang kilabot ng Butuan, Mindanao na si Roldan Licame, na binansagan si “Boy Hangin,” pader sa kanilang banyo ang pinagpapraktisan na sampalin araw-araw.
Ayon kay Alexis Tolentino, Coach and Manager ng Slap Battle Philippines, nagmula sa mga taong nag-iinuman sa loob ng bar sa Russia ang konsepto na gawing sports ang palakasan ng sampal.
Taong 2022 nang kilalanin nang isang legal na contact sport ang slap battle gaya ng boxing, wrestling, at mixed martial arts.
Isa sa nagpasikat ng slap battle sa Pilipinas noong 2021 ang grupo nina Coach Alexis, kung saan pinalalaro nila ang vloggers.
Ginagawa lang noon bago ang mga MMA fight, naging mga main event kalaunan ang mga slap battle, at umusbong na rin ang ilan sa pinakasikat ngayong slap fighter sa Pilipinas.
Hari ng heavyweight category ang bouncer mula Calamba, Laguna na si Gelo Enriquez, o mas kilala bilang si “Big Bully.”
Kinagigiliwan naman ang slap fighter na si Alfredo “The Joker” Melendres, na hindi lang malakas ang sampal kundi maporma rin sa suot na Amerikana.
Sa laban nina Monfiel at Licame, unang nagbigay ng sampal si Monfiel ngunit tila hindi ito tumalab kay Licame.
Nang si Licame na ang sumunod na nanampal, ilang saglit lamang, dumugo na ang ilong ni Monfiel.
Tunghayan sa KMJS kung makabawi pa si Monfiel mula sa pagdurugo ng kaniyang ilong, at ang paliwanag ng isang neurologist tungkol sa peligrong dulot ng slap battle na posible umanong ikamatay ng isang tao.-- FRJ, GMA Integrated News