Inaabangan ng kaniyang mga follower ang post ng tinaguriang "Ninong ng Bayan" na si Venancio Maninang Jr., dahil sa kaniyang mga ipinamimigay gaya ng gold coins at mga alahas na aabot sa P8,000 ang bawat halaga. Forda-content nga ba kung bakit niya ito ginagawa?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ipinakita ang video na nagkakagulo ang mga tao sa isang lugar sa Caloocan para hanapin ang mga gold coin na iniwan ni JR sa kung saan-saan bahagi ng gilid ng kalsada.
Ang mga gold coins at alahas na iniiwan ni JR at pinapahanap niya sa kaniyang follower, may nagsu-supply raw sa kaniya na nagkakahalaga ng P5,000 hanggang P8,000 ang bawat isa.
Pero bago mamigay ng biyaya si JR na isang negosyante, ikinuwento niya na dati rin siyang hikahos sa buhay na mula sa Caloocan.
Sa kaniyang pagpupursige, nakaipon ng pera si JR at nakapagtayo ng negosyo at umasenso. Ngunit kasabay ng kaniyang pag-asenso, nalulong naman siya sa sugal at naubos ang mga naipon nang matuto siyang maglaro sa casino.
Kaya ang mga naipundar niya noon, naubos at nabaon pa sa utang. Sa panahon na walang-wala siya, minsan na rin umanong pumasok sa isip niya na tapusin na ang kaniyang buhay. Pero sa tulong ng kaniyang pananalig, isinuko na lang ni JR ang sarili sa Diyos at humiling na bigyan pa siya ng isa pang pagkakataon.
Upang makapagsimula, nangutang si JR at muli siyang nagtayo ng negosyo. Hanggang sa mabayaran na niya ang kaniyang mga nautang at tuluyang nakabawi sa buhay.
Muli siyang nakabili ng bahay, mga sasakyan at resort. Dito na niya naisip na ibalik sa mga nangangailangan ang mga biyaya na kaniyang natatanggap, gaya ng medical assistance.
Hanggang sa mag-level-up ang kaniyang pagtulong nang maisipan niyang gayahin ang pakulo ng "money hunt," pero ginawa naman niyang ginto.
"Kino-commit ko kay Lord yung porsiyento na itutulong ko talaga sa tao. Nagsimula ng mga pabigas lang, bandang huli may palibing, medical assistance. Nagtataka sila, tatakbo raw ba ako?," ayon kay JR.
Pero paglilinaw niya, wala siyang interes sa pulitika.
"Ang habol ko laging kay Lord saka para mapasaya ko ang mga tao," ayon kay JR. --FRJ, GMA Integrated News