Kahit nakikipaglaban sa sakit na cancer, naiisip pa rin ni Doc Willie Ong ang kalagayan ng ibang Pilipino na katulad niyang may malubhang karamdaman. Pag-amin niya, nakararamdam siya ng "guilty feeling" sa pagpapagamot niya sa ibang bansa habang maraming Pinoy na maysakit ang nagdurusa sa hindi magandang health care system sa Pilipinas.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," nakapanayam ni Jessica si Doc Willie na nagpakalbo na sa harap ng pagsailalim niya sa chemotherapy sa Singapore dahil sa sakit niyang sarcoma cancer.
Sa kanilang recorded video na ipinost niya sa social media kamakailan, ibinahagi ni Doc Willie na may nakitang 16-centimeter mass sa likod na kaniyang puso na nagdudulot sa kaniya ng matinding sakit.
Pag-amin ng duktor na isa ring vlogger, 50-50 ang ibinigay sa kaniya na cancer prognosis ng duktor.
"Fifty percent to live a few more months, a year. Fifty percent, anytime, baka hindi na huminga. Parang walang kasiguraduhan," ayon kay Doc Willie.
Ayon kay Doc Winnie, nahihirapan siyang lumunok dahil binabarahan ng bukol ang kaniyang esophagus.
"I got the worst pain. It's 10 out of 10, Jessica. Buong gabi hindi kami natutulog ni Doc Liza [asawa niya]. Sigaw ako nang sigaw. Hihiyaw ka sa sakit talaga," paglalahad niya.
Sa sobrang sakit, sinabi ni Doc Willie na Ok na sa kaniya na uminom ng Dormicum, "to sleep it off and die."
Ngayon, sinabi ng binansagang "Doktor ng Bayan," na blessing ang bawat araw na namumulat ang kaniyang mga mata.
Hindi na rin niya inaalala ang mangyayari sa hinaharap, o nag-iisp ng mga materyal na bagay o tagumpay, dahil ang nasa isip niya ay ang mangyayari sa kasalukuyan.
Sa Singpore nagpapagamot si Doc Willie na labis niyang hinahangaan ang sistema pagdating sa usapin ng paggamot sa mga pasyente.
Aniya, posibleng namatay na siya kung nananatili siya sa Pilipinas dahil sa sobrang bagal ng healthcare system at pagproseso ng mga pagsusuri sa mga laboratoryo.
"Sabi ko, if the politicians are coming here, hindi ba kayo naaawa sa kababayan natin? Mayaman ka o mahirap, trapped ka in the Philippines. Palagay ko God's will 'to," saad niya.
Ayon kay Doc Willie, ang resulta ng biopsy sa Singapore, kaagad nalalaman. Kumpara sa Pilipinas na inaabot ng isa o dalawang linggo. Sa loob ng dalawang araw, natapos na ang kaniyang PET scan, CT scan, 2D Echo, biopsy, at kaagad siyang nabigyan ng chemotherapy, na isa sa mga paraan sa pagkontra sa cancer cells.
"Sa Pilipinas, I have to wait one to weeks. Mahina ang Pilipinas, kahit Doc Willie Ong, patay ka pa rin. Papaano kung Juan dela Cruz ka? Kaya ako nagi-guilty," paliwanag niya.
Ang Sarcoma cancer ay pambihira umanong uri ng cancer na nabubuo sa bones and soft tissues sa katawan ng tao.
Kabilang sa mga gamutan niya sarcoma cancer ay chemotherapy, radiation therapy, at surgery. Ngunit ang paggaling ng pasyente ay depende sa uri ng cancer, edad ng pasyente, at kung saang bahagi ng katawan ito tumubo.
Ayon kay Doc Willie, handa na siya sa kung ano man ang sasabihin sa kaniya ng mga duktor, "'Pag sabihin na walang pag-asa, eh 'di tapos, that's it, pansit."
Inihayag din niya ang kaniyang pangitaan bago pa man siya nagkaroon ng sakit na nakikita niya ang kaniyang ina na yumao dalawang taon na ang nakararaan.
"Yung mommy ko sa dream ko kinukuha na niya ako. She called me, 'Willie Boy come to me.' Parang sabi ng nanay ko 'You've done your job on earth. Ginawa mo nang 60 years. 25 years na akong walang bayad ang pasyente ni isa. Pharma company ni isa hindi nalalagyan. Wala akong foreign trips," sabi niya.
Sa Oktubre 9, muling sasailalim si Doc Willie sa PET scan, kasabay nito, inihayag niya ang paborito niyang awitin na, "God help the outcasts, children of God. That's my song." —FRJ, GMA Integrated News