Napagkakamalan kung minsan na "I Love You Boy" ang pamagat ng classic OPM hit song ni Timmy Cruz na "Boy." Pero ayon sa mang-aawit, English ang orihinal na titulo ng naturang awitin na sumikat noong 1980's at madalas pa ring i-request sa mga radio station hanggang ngayon.

Sa panayam kamakailan sa Updated with Nelson Canlas podcast, ikinuwento ni Timmy na hindi talaga siya singer kaya hindi maiwasan ng iba na kuwestiyunin ang pagpasok niya noon sa recording industry, at maging sa showbiz.

“Ang background ko business, law, then pupunta ako sa music, wala akong kakilala, walang kakilala absolutely," sabi ni Timmy na napapanood ngayon sa Kapuso primetime series na "Widow's War."

Pag-amin niya, hindi pabor ang kaniyang ina na pumasok siya sa entertainment industry.

Pero matapos siyang maging guest co-host sa dating noontime variety show na Penthouse Live, nilapitan siya ng isang lalaki na hindi pa niya kilala noon na si Mon Del Rosario, para alukin na awitin ang ginawa nitong kanta.
 
“Sabi niya sa'kin, 'Pagkatapos ng recording, puntahan mo 'ko sa office.' It was the Greenhills Recording Studio. So I went to his office, tapos cassette, he played it. And then ganun pa lang, intro pa lang, and then I listened to the song, I don't know anything about songs, I just knew I wanted to sing [it],” kuwento ni Timmy.

Dahil wala siyang alam tungkol sa kanta, humingi siya ng kopya at ibinigay sa kaniyang manager para iparinig. Agad umanong sinabi sa kaniya ng manager na, “This is the song for you.”

“Sabi ko sa kanila, kasi marami silang nakikinig, 'How do you know? You haven't even listened to the entire song?' 'This is the song,'” natatawa niyang sabi.

Ayon kay Timmy, “If you Only Knew” ang orihinal na titulo ng awitin na pinalitan ng "Boy."

Natatawa ring binalikan ni Timmy nang araw na i-record niya ang kanta na ginawa niya sa unang pagkakataon dahil ilang beses siyang pinapatigil, at marami ang nanonood, kabilang ang producer at manager.

“Inside my mind, I was telling myself, 'Ano ba itong napasukan ko, parang ang hirap? Ano'ng nagawa mo, nandito ka na pero ang hirap. Kaya mo ba 'to?' Sabi ko sa sarili ko. 'Kaya mo 'to, ito 'yung gusto mo,'” patuloy niya.

Ayon kay Timmy, tumagal ng limang oras ang ginawa niyang pag-record sa kanta dahil sa may mga pinapaulit sa kaniya.

“I sat through five hours and then I went home, and I told myself, 'Whatever that was, it is the hardest thing that I've ever done,'” saad niya.

Sabi pa ni Timmy, unang pumatok ang "Boy" sa mga probinsiya gaya ng Davao at Cebu, bago ito naging hit sa Metro Manila.

Ayon pa singer, nang minsan siyang bumibiyahe sa EDSA, ipinababa ng kaniyang driver ang bintana ng kanilang sasakyan at nadinig niya na pinapatugtug sa ibang mga sasakyan ang kaniyang kanta.

“Goosebumps talaga. Then nagpa-flash back 'yung pangarap ko, kung paano ko gagawin, kung saan ako nanggaling, 'yung mga ganu'n,” paglalahad niya. —FRJ, GMA Integrated News