Nasa right place at the right time ang isang pulis na pauwi na sakay ng kaniyang motorsiklo galing sa trabaho nang matiyempuhan niya ang isang babae na hinahabol ang isang lalaking humablot ng kaniyang cellphone sa bahagi ng EDSA.
Sa video ng For You Page ng GMA Integrated News na kuha ni Police Staff Sergeant Pynhart Parreño, makikita ang isang babae na bumaba mula sa isang jeep habang hinahabol ang isang lalaki na tumalon sa kabilang bahagi ng kalsada.
Ayon kay Parreño, nakuha ang atensyon niya dahil sumisigaw ang babae na babayaran na lang niya ang cellphone na sinikwat ng kawatan.
Kaya naman kahit hindi na oras ng kaniyang trabaho, gumawa ng paraan si Parreño upang habulin at mahanap ang snatcher at mabawi ang cellphone ang babae.
Napilitan pa si Parreño na mag-counterflow at nagpatulong sa traffic enforcer para makalusot kaagad siya sa mga intersection sa kagustuhan na maabutan ang suspek sa lugar na inaasahan niyang dadaan ito.
At hindi naman nagkamali sa kaniyang plano si Parreño dahil naispatan niya na naglalakad na sa isang footbridge ang kawatan na nagpalit na ng sando kaya inabangan niya kung saan ito bababa.
Pero nang wala pang naka-sandong puti na bumababa, siya na ang umakyat ng footbridge at nakita niya ang suspek na naupo sa hagdan at pawis na pawis.
Nang komprontahin ni Parreño ang suspek at hanapin ang cellphone, todo tanggi pa ang lalaki at nagdahilan na namamalimos lang siya kahit pa bakas ang pawis niya sa katawan.
Ngunit hindi na nakatanggi ang suspek at umamin din nang sabihin ni Parreño na naka-video ang kaniyang ginawa at kita rin na dala pa niya ang jacket na suot niya noong una nang manghablot siya ng cellphone.
Inamin ng suspek na itinapon niya sa isang lugar ang cellphone na kanila namang nabawi at naibalik sa biktima.
Napag-alam na bahagi pala talaga ng trabaho ni Parreño bilang pulis ang pagroronda sa mga kalsada sakay ng motorsiklo para mapanatiling ligtas ang mga tao o mahuli kaagad ang mga kriminal sa lansangan.-- FRJ, GMA Integrated News