Hindi na nakaiwas ang isang barangay tanod nang tambangan at barilin siya ng isang lalaking sakay ng motorsiklo sa Talisay City, Cebu. Tinamaan siya sa dibdib pero hindi bumaon ang bala at nag-iwan lang ng bahagyang sugat. Ang anting-anting nga kaya ang nagligtas sa kaniya?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakita ng tanod na itinago sa pangalang “Rene,” ang marka sa kaniyang dibdib na iniwan ng tama ng bala.
Nangyari ang insidente noong Agosto 10 habang pauwi siya. Pagliko niya sa isang kanto, nakita niya ang suspek at agad siyang pinaputukan.
“Ang baril niya, .45. Pagtayo niya, pumutok kaagad. Hindi ako nakaiwas kasi nabigla ako. Pagputok, may naano sa akin na sobrang bigat, masakit!” pag-alala ni Rene.
Sa kabila nito, nagawa pa rin niyang makatakas. Nang suriin niya ang kaniyang dibdib, napag-alaman niyang hindi bumaon ang bala kundi nag-iwan lang ng mababaw na sugat sa balat.
Ayon kay Rene, noong 40-anyos siya nang bigyan siya ng kaniyang tiyuhin na si “Juanito,” hindi rin tunay na pangalan, ng anting-anting, na isang kuwintas na may dalawang palawit o pendant.
Isa sa mga palawit ay gawa sa kulay brown na tela na naglalaman ng isang bato, habang ang isa naman ay may imahen ng lalaking nagngangalang Emmanuel Sagrado, na tinatawag nilang “Amahan.”
Si Amahan ang itinuturing diyos ng grupong kinabibilangan ni Rene at ng kaniyang tiyuhin na Sagrado Corazon Senior o SCS, na mas kilala rin bilang grupong “Tadtad.”
Ang grupo ay kilala dahil wala silang takot na nagpapatadtad, nagpapataga at nagpapahiwa ng kanilang mga braso gamit ang itak. Hindi umano sila nasusugatan at hindi rin tinatablan ng kahit na anong patalim.
Bukod dito, hindi rin umano sila tinatablan ng bala, na pinaniniwalaang nangyari kay Rene.
Dahil sa trabaho ni Rene bilang hepe ng mga tanod, hinikayat siya ni Juanito na sumanib sa kanilang samahan noong 2022, pero marami umanong proseso na na kailangang pagdaanan. May mga patakaran din na kailangang sundin.
Nagpatattoo rin si Rene ng salitang Latin sa iba't ibang bahagi ng katawan para mas lumakas umano ang kaniyang “gahom” o bisa ng kaniyang agimat.
Kinilala ni Rene ang bumaril sa kaniya at pinaghahanap na ng PNP na si alyas “Tiyan.” Hindi lang siya ang target nito, kundi lahat silang mga tanod sa kanilang barangay.
Ayon kay Rene, ang tunay na kaaway ni alyas “Tiyan” ay ang kasamahan niyang tanod, na suspek sa pagkamatay ng kapatid nito na si alyas “Daot.” Agad din naman daw itong sumuko sa mga awtoridad.
Gayunman, hindi pa rin matahimik si alyas Tiyan sa paghihiganti para sa napatay na kapatid, at pinagbantaan pati anak ni Rene.
Alamin ang mga sinasabing ritwal at patakaran na kailangang gawin ng kasapi ng "Tadtad" para hindi umano mawala ang bisa ng agimat. Ang mga pulis at physicist, may hinala kung bakit hindi bumaon ang bala sa dibdib ni Rene. Panoorin ang paliwanag nila sa video ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News