Sa kabila ng mahigit 40 taon na karanasan sa paghuli at pag-rehabilitate ng mga ahas, sa tuklaw pa rin ng cobra nagwakas ang buhay ng isang snake catcher sa India.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing isang bahay ang pinuntahan ng snake cather na si Sunil Nagpure, na 44 na taon nang ginagawa ang paghuli sa mga ahas na kaniyang nire-rehabilitate para ibalik sa natural nilang tirahan.
Walang naging problema sa simula si Sunil sa paghuli sa cobra sa loob ng isang bahay sa Gondia City.
Pero nagkaroon ng problema nang inilagay na niya sa loob ng sako ang ahas.
Bago kasi niya maiangat ang kaniyang kamay mula sa loob ng sako, natuklaw siya ng ahas na isang Indian cobra.
Tila hindi naman ininda ni Sunil ang tuklaw ng cobra kahit pa may nagpayo na tatawag ng ambulasya para madala siya sa ospital.
Pero nang tumanggi si Sunil, sinunod nila ito at kampante ang mga tao na walang masamang mangyayari sa kaniya dahil 44 na taon na niya itong ginagawa.
Ngunit ilang minuto lang ang lumipas, natumba na umano si Sunil at halos hindi na makagalaw.
Kaya itinuloy na ang pagtawag ng ambulansya para malapatan siya ng lunas. Sa kasamaang palad, hindi na siya nakaligtas.
Nasa anim na talampakan ang haba ng Indian cobra na nakatuklaw kay Sunil.
Ang kamandag nito, nagdudulot ng pagkaparalisa ng katawan, na susundan ng respiratory failure, at paghinto ng tibok ng puso, na dahilan ng pagkamatay ng kaniyang matutuklaw.
Kabilang ito sa mga protected species sa ilalim ng Wildlife Protection Act ng India.--FRJ, GMA Integrated News