Nasunog ang malaking bahagi ng isang bahay sa Oklahoma, USA dahil sa sumabog na power bank. Inakala noong una na pumalya ang lithium-ion battery ng power bank pero nang suriin ang CCTV footage sa bahay, nakita na pinaglaruan pala ito ng isang aso.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, makikita sa video na nasusunog ang kutson na nasa sahig ng isang bahay sa Tulsa sa Oklahoma, USA, habang nakamasid at tumatahol ang dalawang aso.
Kumalat ang apoy at natupok na ang malaking bahagi ng bahay nang dumating ang mga bumbero.
Sa kabutihang-palad, nagawa namang makalabas ng bahay ang dalawang aso at isang pusa na alaga ng may-ari ng bahay.
Napag-alaman na wala noon ang may-ari ng bahay nang mangyari ang insidente.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ng mga bumbero, nakita nila ang isang power bank na nasa kutson.
Dahil dito, inisip nila na maaaring nagkaaberya ang lithium-ion battery nito kaya sumabog na dahilan para masunog ang kutson at kumalat ang apoy.
Pero nang suriin ang CCTV camera sa loob ng bahay, natuklasan na hindi basta simpleng aksidente ang nangyari.
Nakita kasi sa video footage na ang isa sa dalawang aso ang nagbitbit ng power bank sa kutson at kinagat-kagat niya ito hanggang sa kumislap, nag-apoy, at tuluyang sumabog na dahilan ng pagkasunog ng kutson.
Ayon sa bumbero, sadyang sensitibo ang lithium-ion battery kaya dapat ingatan.
"Lithium-ion batteries are known for storing a significant amount of energy in a compact space. However, when this energy is released uncontrollably, it can generate heat, produce flammable and toxic gas and even lead to explosion," paliwanag ni Andy Little, TFD spokesperson.
Kaya nagpaalala ang mga awtoridad na ingatan ang mga lithium-ion batteries gaya ng nasa power bank, at tiyakin na hindi ito makukuha at mapaglalaruan ng mga alagang hayop.-- FRJ, GMA Integrated News